(Editor's Note: INQUIRER.net is posting the Filipino translation of Benjamin Pimentel's "Willing Willie and the boy who wouldn't smile" that came out on Global Nation March 25, upon the author's request.)
Malinaw ang dahilan kung bakit sikat si Willie Revillame.
Nagpapasabog siya ng pera. Kaya maraming gustong sumali sa palabas niya. Para sumayaw, kumanta, makipagharutan, makipaglokohan, at oo, kahit nga magpaloko o magpainsulto sa harap ng maraming tao.
Sa tingin ng iba, okay lang yon. May premyo ka naman. Basta makitawa ka lang, makingiti ka lang.
Kaso itong batang si Jan-Jan hindi sumunod sa script.
Hindi tumatawa. Hindi nga ngumingiti. Nakabusangot. Tapos lumuluha pa – habang kumekendeng na parang mini-macho dancer sa kanta ni Snoop Doggy Dog.
“Umiiyak pa iyan,” sabi ni Willie Revillame, di makapagpigil sa kakatawa. “Ganyan ho ang hirap ng buhay ng tao. Siyempre sasayaw siya bilang macho dancer sa edad niyang ‘yan, para sa kanyang mahal na pamilya. Pinahanga mo ako Jan-Jan. … Ibang klase ka Jan-Jan. .. Meron kang ten thousand!”
Sabay abot ng pera sa batang maliit. Binulsa ni Jan Jan ang datong.
Pero hindi pa rin nakangiti.
Naisip siguro ni Revillame na pinasabugan na niya ng pera, kaya okay lang humirit uli. Sayaw na naman si Jan-Jan.
“May luha pa iyan ha. .. Parang sa pelikulang “Burlesk Queen,’” tuloy ni Revillame, habang pinapakita ng kamera ang mga tao sa studio, nagtatawanan, aliw na aliw.
Si Jan-Jan naman seryoso pa rin ang mukha.
Aba, hindi pa nakuntento si Revillame. Pinasayaw uli. Tawanan lalo ang mga tao sa studio.
At si Jan-Jan? Wala pa ring ngiti, hindi pa rin tumatawa. Tuloy lang sa pagsayaw, sa palabas niya bilang musmos na macho dancer.
Malas ni Revillame na sumikat siya sa panahon ng YouTube at Facebook. Kasi bagamat napatawa niya ‘yong mga tao sa studio (at sa mga maraming sa bahay nanood), nanggigil naman sa galit ang ibang mga nakapanood kay Jan-Jan sa video na mabilis kumalat sa Web.
Tulad ko at mga kaibigan ko.
“It is sickening to watch!” sabi ng isang kaibigan ko sa Facebook
“Napakababa na ng kultura para magawa ito,” sabi ng isa pa.
Pero teka, sa YouTube naman kung saan ipinoste ang video, aliw na ang aliw ang marami.
“Cute ha!”
“Ayus parekoy! Galing mo!”
Kakabig ako nang konti dito.
Katuwaan ang palabas ni Revillame at iba pang noontime shows. Wala akong problema doon. Wala akong bilib sa mga elitistang bumabatikos sa mga manonood ng mga palapbas na ito, na tinuturing nilang bakya o walang kuwenta.
Ang pusta ko rin e karamihang ng mga magulang na nanonood sa palabas ni Revillame e mabubuting mga magulang na gagawin ang lahat para sa mga anak nila. Tumawa sila sa ginawa kay Jan-Jan dahil nadala sila sa malakarnibal na dating ng palabas.
Tapos, bilang manunulat, tutol ako sa censorship o sa anumang pagtatangkang supilin ang pamamahayag ng kahit sino.
Pero kelangan lang talagang magsalita sa kaso ni Jan-Jan.
Nakapanood na ‘ko ng mga bata sa palabas tulad ng kay Revillame. Kadalasan, mukhang nag-eenjoy pa ang mga bata (kahit hindi naman talaga matitiyak kung ganoon nga). Kaya kahit paano, mapapalampas pa.
Pero si Jan-Jan, kitang-kitang mabigat sa loob ng bata sa pagpilit sa kanyang umastang macho dancer.
E pati nga si Revillame napansin ‘to.
“Kaya niya ginagawa ‘yon para sa pamilya,” sabi niya. “Ang sama ng loob pero” – sabay gaya sa iniisip siguro ni Jan-Jan, “Kelangan ko ‘tong gawin para sa ‘king mga mahal sa buhay.”
At sabay tawa pa.
Sinong hindi kukulo ang dugo pag napanood yon? Nahalata mo nang masama ang loob ng paslit, pinagtripan mo pa?
Maraming ibang palabas na gumgawa nito. Hindi lang ang Willing Willie ang nagsasabak sa mga bata, at kahit sino pa, sa pambabalusabas para lang magpatawa.
At maski dito sa Amerika, uso na rin ang mga palabas kung saan isinasalang ang mga karaniwang tao sa di pangkaraniwang sitwasyon – para magpakita ng galing, magpapakita ng pagkatao, o para mapahiya.
‘American Idol.’ ‘Survivor,’ at laksa laksa pang mga ‘reality shows.’
Pero ewan ko ba kung bakit matindi para sa ‘kin at maraming tao ang dating ng ginawa kay Jan-Jan. Nakakayanig talaga.
Siguro dahil alam nating naaagnas ang kaluluwa ng isang lipunan pag hinahayaang lapastanganin ang kabataan. Nabubulok ang dangal ng isang bayan pag binabalewala ang kapakanan ng mga taong walang laban, walang sapat na kamalayan, nga mga taong tintuturing dapat na tagapagmana ng kinabukasan.
Teka, masyado nang madarama.
Ganito na lang: Bigat ng problema natin, kung OK lang sa marami na babuyin at walang-hiyain ng isang sikat ng TV host ang isang bata.
Copyright 2011 by Benjamin Pimentel. On Twitter @Kuwento Pimentel
No comments:
Post a Comment